-- Advertisements --

MANILA – Isang grupo ng mga eksperto mula World Health Organization (WHO) ang dumating ng Pilipinas para pag-aralan ang mga “variants” ng COVID-19 virus na SARS-CoV-2 sa bansa.

Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) sa gitna ng patuloy na tumataas na kaso ng coronavirus mula noong nakaraang buwan.

“We are currently working with them for us to be able to determine the extent of the variants, ano pa ang dapat nating gawin; ano ang levels of transmission,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, isang dalubhasa mula sa WHO headquarters sa Geneva, Switzerland ang dumating.

Kasama daw nitong mag-aaral ang iba pang eksperto mula sa ibang WHO country offices.

“Sila ay pumunta dito specific kasi we ask for their help. Nakipag-usap tayo sa WHO kasi gusto natin maintindihan pa kung ano yung epekto nitong variants, levels of transmission, at magkaroon ng technical assistance on how can we better manage.”

Humingi rin daw ng tulong ang DOH para mapaigiting ang genomic biosurveillance ng Pilipinas pagdating sa mga binabantayang variant ng SARS-CoV-2.

“We have at least twice a week meeting… siya ay mananatili dito sa bansa for I guess one month para matulungan tayo.”

Inamin ni Usec. Vergeire na muling naantala ang batch ng genome sequencing noong nakaraang linggo.

Magugunita na hindi nakapagpatakbo ng naturang proseso ang Philippine Genome Center noong huling linggo ng Marso dahil sa kontaminasyon ng mga makina.

“Hindi sila nakapag-run ng isang batch before dahil nagkaroon ng contamination doon sa kanilang machines, so we need to have this maintenance check sa kanila kaya nag-run lang sila latter part of last week.”

Posibleng ngayong araw o sa unang linggo ng Abril lalabas ang resulta ng nasabing batch ng samples na isinailalim sa genome sequencing.

Tatlong variants of concern ang binabantayan ngayon ng buong mundo: ang B.1.1.7 na mula United Kingdom, B.1.351 na mula South Africa, at P.1 na mula Brazil.

Pare-parehong may kaso sa bansa ang tatlong “variants of concern.”

Bukod sa mga ito, may nadiskubre ring P.3 variant sa Pilipinas.