Pinadadagdagan ng World Health Organization (WHO) ang bilang ng volunteers ng Pilipinas para sa isasagawang clinical trials ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, country representative ng WHO, mas malaki ang tsansa na makakuha ng ebidensya sa pagiging epektibo at kaligtasan ng bakuna ang malaking bilang ng participants.
“For the Philippines, WHO was hoping the Philippines will include up to 4,000 individuals,” ani Abeyasinghe sa Laging Handa public briefing.
“My understanding is the Philippines is looking at 2,000 to 3,000 participants joining the trial. We are hoping that the number would increase.”
Sa kasalukuyan, 10 trial sites na raw ang natukoy at nakahandang paggawan ng clinical trials. 9 ang mula sa National Capital Region, at isa sa Cebu — na napili dahil sa mataas na antas ng virus transmission.
Pero wala pa ring mapangalanan na mga bakuna ang WHO dahil nasa proseso pa rin ng pagpili ang mga nakatalaga nilang eksperto.
Sa ngayon walo hanggang siyam na bakuna na raw ang malapit nang maaabot ang requirements para masali sa trial vaccines.
Batay sa schedule na unang nilabas ng WHO, huling Oktubre sana ang target na petsa ng pagsisimula ng WHO Solidarity Trials sa Pilipinas.