-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mayroon na umanong lead at persons of interest (POI) na tinitingnan ang mga otoridad matapos ang serye ng mga pamomomba sa North Cotabato at Maguindanao noong araw ng Linggo, Disyembre 22.

Ito ang inihayag ni Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesman Major Arvin Encinas sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, bagamat tumangging ilahad ang ibang mga detalye.

Ayon kay Encinas, kanila nang sinunsundan ang mga impormasyon kanilang nakalap mula sa mga mapagkakatiwalaang sources at testigo na makakatulong sa pagpapabilis ng kaso.

Nakalabas naman ang iilan sa 20 sugatan sa mga biktima ng pagsabog makaraang matamaan ng shrapnel mula sa mga improvised explosice device (IED).

Samantala, wala umanong katiyakan kung magiging tapat ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kaugnay sa ipinapatupad na ceasefire agreement, matapos ang nangyaring ambush kamakailan sa Iloilo at Camarines Norte na ikinasawi at ikinasugat ng mga otoridad.

Ito’y matapos naging mapayapa ang kanilang pagbabantay sa kanilang anibersaryo kahapon, Disyembre 26.

Sa kabila nito, tiniyak ni Major Encinas ang patuloy na monitoring at pinaigting na seguridad sa kanilang nasasakupan.