-- Advertisements --
20201008 124505

Nananalangin ngayon ang pamilya ni Private Hospitals Association of the Phils., Inc. (PHAPi) president, Dr. Rustico A. Jimenez na makakahanap kaagad ang PHAPi ng papalit sa kanilang ama na namayapa dahil sa cardiac arrest.

Ayon kay Jeff Jimenez, anak ng 74-anyos na namayapang doktor, sana raw ay may magpapatuloy sa pagiging masipag ng kanilang ama at pagiging “warrior leader” base na rin sa naging pahayag ng pamunuan ng PHAPi.

Aminado pa si Jeff na malaking kawalan ang pagpanaw ng kanyang ama lalo na’t siya ang aktibo ngayon sa pagsasagawa ng mga seminars kaugnay pa rin sa paglaban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa katunayan ay nagturo pa raw ito kahapon sa mga frontliners sa isinagawang webinar.

Una rito, kinumpirma ng pamilya ng doktor na namayapa ang kanilang ama dahil sa cardiac arrest.

Pero ayon kay Jeff, isinailalim pa ang bangkay ng kanyang ama sa covid test para malaman kung mayroon itong covid.

Kung maalala, isa si doctor Jimenez sa mga matatapang na personalidad na tumutuligsa sa katiwalian sa loob ng Philhealth na nagdulot ng perwisyo sa kanilang asosasyon.

Sinabi niya noon na mas malaki pa raw ang perang inilaan ng PhilHealth sa kanilang maternity at dialysis clinic kumpara sa mga ospital na humahawak COVID-19.

Ayon pa kay Jimenez, base sa data na iprinisinta sa kanila ng 125 nilang hospital members, papalo na sa P2.3 billion ang utang sa kanila ng PhilHealth mula noong 2019 at hindi pa kasama rito ang mga covid patients.

Binanatan din nito ang Philhealht dahil kung hindi raw sila magpa-follow up sa kanilang bayad ay aabutin pa ng ilang araw bago ito ihuhulog sa kanilang account.

Kinikuwestiyon ng doktor kung saan muna napupunta ang perang hindi agad naihuhulog sa kanila.

Pero naniniwala naman itong sa pamamagitan ng isasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa katiwalian sa PhilHealth ay lalabas din ang katotohanan.