
BAGUIO CITY – Iginiit ng mga magsasaka sa Benguet na hindi sila ang naglalatag at nagkakalat ng mga basura sa Maynila, partikular sa Divisoria.
Una rito, lumabas ang isang video kung saan binabalaan at sinermonan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga manggugulay na ayon sa kanya ay mula Benguet, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, bahagi ng Bicol at Batangas na naglalatag at nagkakalat ng mga vegetable trimmings sa bahagi ng Asuncion hanggang Juan Luna sa kanilang lungsod
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Agot Balanoy, manager ng isang kooperatiba ng mga magsasaka sa Benguet, mariing sinabi niya na walang katotohanan ang mga inihayag ni Mayor Moreno sa nasabing video na nai-post sa social media.
Aniya, kung may mga vegetable vendors o traders mula Northern Luzon na matatagpuan sa Divisoria ay isa o dalawa lamang ang bilang nila habang sa Balintawak ay aabot din ng lima.
Iginiit niya na ang mga naglalatag ng gulay sa Manila ay taga-Divisoria din at sila ang mga buyers na pumupunta dito sa Benguet para mag-angkat ng mga gulay.
Naniniwala nito na misinformed si Mayor Moreno dahil sa mga naging statement nito sa nasabing video lalo pa at lumalabas na parang nagkautang pa ang mga taga-Benguet dito.
Sinabi niya na kailangang malaman ng alkalde na mga negosyanteng taga-Manila din ang nag-aangkat ng gulay dito sa Benguet at sila din ang nag-iiwan ng mga vegetable trimmings kung saan sila naglalatag.
Dapat din aniyang ma-realize ng publiko ang kalahagahan ng agrikultura dahil kung wala namang mga gulay na naa-angkat ang mga taga-Manila ay sila din ang nagrereklamo.
Gayunman, sinang-ayonan niya ang apela ng alkalde para sa paglilinis ng mga naglalatag sa mga maiiwang vegetable trimmings ng mga ito.
Inihayag ni Balanoy na ang isyu na tinalakay ni Mayor Moreno ay concern na ng lokal na pamahalaan dahil ito ay sa regulation nila at hindi na problema ng production area na siyang kinabibilangan ng Benguet.
Gagawa din ang kanilang grupo ng sulat para kay Mayor Moreno para linawin ang isyu.
Ayon naman sa mga netizens na taga-Benguet, ang mga basurang tinutukoy ng alkalde ay kasalanan ng mga uma-angkat ng gulay na mga taga-Manila din at hindi sa lugar kung saan galing ang mga gulay gaya ng Benguet.










