LA UNION – Nilagyan ng mga red flag ang mga coastal barangay sa San Juan, La Union, na nagsisimbolo na bawal lumangoy dahil sa malalaking alon dulot ng masamang lagay ng panahon.
Sinabi ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Gino Mabalot sa Bombo Radyo La Union, na hindi lamang red flag ang makikita sa tabing-dagat ng nasabing bayan lalo na sa surfing area sa Barangay Urbiztondo.
Ito’y dahil may mga warning signs na rin gaya ng “No Swimming Policy” para ipabatid sa mga turista na bawal pang maligo sa karagatan.
Ang red flag aniya ay ginagamit bilang warning of danger para na rin sa kaligtasan ng mga beachgoers.
Nagbabala rin si Mabalot sa mga mangingisda na huwag munang pumalaot hanggang bukas dahil mapanganib pa rin ang kondisyon sa seaboards ng Northern Luzon habang papalabas na ang Bagyong Falcon.
Ayon pa kay Mabalot, posibleng abutin pa ng ilang araw bago alisin ang mga red flag dahil isa na namang low pressure area ang nagbabanta sa Hilagang Luzon na tiyak na magdudulot pa rin ng patuloy na pag-ulan.