-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Mariing ipinaliwanag ng isang political analyst na sa war on drugs operation ng dating administrasyong Duterte, hindi maitatangging mayroong krimen na nangyari kung saan libu libong buhay ang nadamay.

Kaugnay ito sa panawagan sa International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng imbestigasyon sa naturang operasyon.

Ayon kay Michael Henry Yusingco, dahil sa dami ng bilang ng mga inosenteng nadamay sa naturang operasyon, dapat na mayroong panagutin base sa revised penal code.

Ang may responsibilidad aniya rito ay ang Department of Justice (DOJ) at ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gayun narin sa pagpapakulong kay dating senadora Leila De Lima sa loob ng higit 6 na taon kahit na wala umano itong kasalanan.

Nais din aniya ni De Lima na mapanagot ang mga nagpakulong sa kaniya lalo pa at ang mga tagapangasiwa sa nasabing operasyon ay sina Rodrigo Duterte at Senator Bato dela Rosa.

Ang una dapat gawin sa ngayon ay ang bulabugin ang administrasyon at ang DOJ sa pamamagitan ng sekretarya ng kagawaran na si Jesus Crispin Remulla upang tutukan ang isyu ng war on drugs at ng kaso ni De Lima.

Saka lamang aniya papasok ang ICC kung hindi magampanan ng mga responsableng lider ang kanilang tungkulin.

Samantala nagbigay din ito ng komento sa mga patutsada ni Duterte at House Speaker Martin Romualdez ay aniya, marahil ay mayroong tampuhang nangyayari.

Bukod dito, nakikita na rin aniya ang politics positioning para sa Presidential election sa 2028.

Nagkakaalaman na aniya kung sino ang mga magkakampi at mga magkakalaban.

Kung may ambisyon kasi aniya ang isang opisyal na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, ngayon pa lamang ay dapat na silang magsimula ng groundwork para sa pagpuposisyon ng mga kaalyado.

Ito na aniya ang sakit ng pulitika noon pa man.

Dagdag pa nito na hindi na rin siya naniniwala sa Uniteam dahil ito ay alyansa lamang ng political dynasties.