CENTRAL MINDANAO-Dalawa ang nasawi sa anti-illegal drugs operation ng pulisya at militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang suspek na nasawi na si Mosim Manebped Dalanda alyas Takuwad,34 anyos,may-asawa at residente ng Sitio Galigayanan Barangay Macabual Pikit Cotabato.
Binawian rin ng buhay ang isang Police asset na si Erwin Besana Doctolero,42 anyos,may asawa at nakatira sa Barangay Presbitero Pigcawayan Cotabato.
Ayon kay PNP-12 Regional Director Bregadier General Alexander Tagum na naglunsad sila ng focused police operation sa Barangay Gli-gli at hangganan ng Brgy Macabual Pikit Cotabato kasama ang pwersa ng Police Regional Office 12,45th Special Action Battalion at 90th Infantry Battalion Philippine Army sa ilalim ng 602nd Brigade para arestuhin si Dalanda.
Papasulod palang ang mga pulis at sundalo sa kanilang target ay pinaputukan na sila ng grupo ni Dalanda.
Tumagal ng tatlong oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig kaya nagsilikas ang mga sibilyan.
Patay si Doctolero ng tamaan sa ulo habang malubhang nasugatan si Dalanda na naisugod ng mga pulis sa Cruzado Medical Clinic and Hospital sa bayan ng Pikit ngunit dineklara ng mga doktor na dead on arrival.
Narekober ng mga pulis sa posisyon ni Dalanda ang isang 5.56 MM Colt AR 15 Rifle,mga bala at mga magasin.
Si Dalanda ay may warrant of arrest sa kasong paglabag sa Section 5, Article II of RA 9165 with Criminal Case No. 20-352.
Pinuri naman ni General Tagum ang operating troops sa pagsisikap at pagpapaigting ng kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen.
Nalulungkot ang North Cotabato PNP sa pagkawala ng isa sa maaasahang Action Agents nito na nagsisilbing Force Multiplier sa paghahanap at pagbibigay ng impormasyon para sa ikakahuli ng suspek.
Ang Cotabato PNP ay nakikiramay sa naulilang pamilya at saludo sa kabayanihan ni Doctolero.
Lubos naman ang pasasalamat ni Cotabato Police Provincial Director Colonel Harold Ramos sa operating troops ng Region 12 sa kanilang pinagsama-samang pagsisikap na tugisin ang mga wanted na indibidwal sa North Cotabato.