-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi muna pinapahintulutan sa ngayon ang walk-in vaccinations sa National Capital Region kasunod na rin nang kaguluhan na nangyari sa ilang vaccination sites kamakailan.

Sinabi ni Atty. Victor Trinidad, director ng Public Safety Office ng MMDA, na kung maari ay hintayin na lamang ng publiko ang kanilang schedule sa pagpapabakuna para maiwasan maulit ang pagdagsa ng maraming tao sa mga vaccination sites sa Manila at Las Piñas.

Pinabulaanan din niya ang kumakalat na “fake news” na hindi raw maaring makakuha ng ayuda mula sa pamahalaan kapag hindi pa bakunado kontra COVID-19.

Gayunman, tiniyak ni Trinidad na tuloy-tuloy ang pagdatng ng mga COVID-19 vaccines sa Metro Manila sa mga susunod na araw kahit pa nasa ilalim na ito ng enhanced community quarantine (ECQ) simula ngayong Agosto 6 hanggang 20.

Sa katunayan, 4 million doses ang inaasahang darating sa Metro Manila, at target naman ng mga local government units na makapagturok ng 250,000 doses sa kada araw.