-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang mga overseas Filipino worker ang nasugatan kasunod ng ilang serye ng lindol na yumanig sa Taiwan kaninang umaga nitong Sabado, Abril 27.

Base sa Taiwan’s Central Weather Administration (CWA), ang unang lindol ay may lakas na magnitude 6.1 na tumama dakong 2:21 am habang ang ikalawa naman na tumama ay ang magnitude 5.8 na lindol bandang 2:49 am.

Kaugnay nito, nakaalerto ang Migrant Workers Offices sa Taipei, Taichung at Kaohsiung at binabantayan ang sitwasyon doon para alalayan ang mga OFW na posibleng nasugatan o naapektuhan sa mga pagyanig.

Nakikipag-tulungan na rin ang mga tauhan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa pangunguna ni Chairman Silvestre Bello III kasama ng DMW MWOs at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Filipino community at leaders, local authorities at employers para masiguro ang kaligtasan at estado ng mga OFW.

Top