-- Advertisements --

Pinawi ng liderato ng Senado ang pangamba ng ilang personalidad at grupo ng mga abogado na baka magkaroon ng constitutional crisis dahil sa pagtanggi ng Pangulong Rodrigo Duterte na padaluhin sa Senate inquiry ukol sa bakuna ang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).

Ayon kasi sa IBP, hindi malayong mauwi sa constitutional crisis, kung ang dalawang sangay ng gobyerno ay magbabanggan dahil sa isang usapin.

Ngayong araw, itinanggi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ipapatawag sa Senado ang Presidential Security Group (PSG).

Paglilinaw nito, bilang siya ang chairman ng Committee of the Whole, ang pagdinig ay ukol sa P72.5 billion budget para sa COVID-19 vaccines at hindi ang pagtuturok sa PSG.

Pero ikinadismaya ni Sen. Risa Hontiveros ang pahayag ni Sotto, dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nalilinawan kung paano nakapuslit ang bakuna, kung sino ang gumawa ng pagturok at ang isyu ng paglabag sa FDA protocols.

Una nang sinabi ni Senate Minority Franklin Drilon na dapat ipatawag sa Senado ang hepe ng PSG na si Brig. Gen. Jesus Durante III upang bigyang linaw ang isyu.

Subalit dahil hindi na ipapatawag ang ilang kinakailangang opisyal, malabo na umanong makakuha pa ng linaw ukol sa nasabing usapin.