-- Advertisements --

Dinepensahan ng Department of Health (DOH) ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Sec. Carlito Galvez bilang vaccine czar.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, wala namang magbabago sa prosesong ginagawa ngayon ng mga nakatalagang opisyal na nangangasiwa sa development at pag-aangkat ng COVID-19 vaccine, dahil in-appoint ng presidente si Galvez.

“Wala tayong babaguhin sa mga proseso just because Sec. Galvez was assigned as the vaccine czar. All the processes will be continued. Ito ay magkakaroon lang ng additional na makakasama natin magle-lead sa atin.”

Sesentro raw ang mandato ni Galvez sa pamumuno ng pagbili, negosasyon, manufacturing, produksyon at distribusyon ng mga mapipiling COVID-19 vaccine para sa Pilipinas.

Makakasama rin ng opisyal ang iba pang tanggapan ng pamahalaan na nakatalagang magtulungan para sa pag-aaral at pagpili ng bakuna.

“(Galvez) will not work alone. He will still work with us, the DOST, DOH, DTI, DOF, DFA and Bureau of Investments at iba pang ahensya. Katulong natin sya, ang magle-lead sa amin.”

“Yung regulatory process to ensure that these vaccines and efficacious ay ipapatupad pa rin.”

Nilinaw ni Vergeire na ang pagkaka-appoint kay Galvez ay para mabigyan ng direksyon ang pagbili at pagdating sa bansa ng mga bakuna.

Hindi naman daw masasantabi ang trabaho ng iba pang eksperto na katuwang ng pamahalaan sa nakalipas na mga buwan.

“Mayroon tayong vaccine expert panel from DOST, technical advisory group ng DOH, at vaccinologist sa iba’t-ibang scientific institutions na pwedeng i-tap.”

Nauna nang nagpahayag ng suporta si Dr. Jaime Montoya, executive ng Philippine Council for Health Research and Development, at miyembro ng sub-technical working group on vaccines, sa appointment ni Galvez.

‘2-DOSE, 3-WEEK PLAN’

Samantala, sinangayunan ng ahensya ang ipinresentang plano ni Galvez na pagtuturok ng dalawang dose ng bakuna sa pagitan ng tatlong linggo o 21-araw.

“Tama ‘yon. Karamihan, but not all vaccines that are out in the market have two doses. Kasi yung ibang bakuna ma-achieve mo lang yung desired effect sa katawan mo kapag dalawang doses,” ani Vergeire.

Paliwanag ng Health spokesperson, posible pa ring mag-iba ang sistema ng distribusyon depende sa temperature requirement ng ibang bakuna.

Dagdag pa ni Vergeire, maaaring pumasok sa Pilipinas ang mga bakunang matagumpay na nakapag-clinical trials sa ibang bansa at mayroon ng registration.

“May mga manufacturers at bilateral partners tayong kausap na yung clinical trial ay dito gagawin sa bansa. Mayroon namang isang set na tinitingnan tayo na ayaw na ng manufacturers to undertake clinical trials here, they want the country to procure already.”

Tiwala si Vergeire sa kasanayan ng pamahalaan sa pagbabakuna dahil sa matagal nang immunization program ng gobyerno. Pero hindi umano ibig sabihin nito na isasantabi na rin ang wastong proseso na dapat pagdaanan bago gamitin sa populasyon.

“Mayroon tayong dinagdag na extra precaution nga. We have invited vaccine experts para aside from the FDA registration, we can rely to them to have further evaluation to see kung talagang nararapat ang mga bakunang ‘to.”

Pinag-aaralan din daw ng mga opisyal ang lahat ng bakunang nasa antas na ng advance development para makita kung alin sa mga ito ang naayon sa resources at populasyon ng bansa.