-- Advertisements --
image 367

Walang inaasahang anumang power grid alerts sa Luzon para sa nalalabing buwan ng 2023 sa gitna na rin ng inaasahang malalaking events na isasagawa sa bansa gaya ng FIBA World Cup 2023 simula sa huling bahagi ng Agosto at Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa buwan ng Oktubre.

Ayon kay DOE ASec. Mario Marasigan na ang tinatayang available capacity kabilang ang pagpapatuloy ng operasyon ng Ilijan power plant sa Batangas city ay magbibigay ng sapat na suplay at reserba ng kuryente sa Luzon grid.

Batay pa sa ahensiya, nitong Agosto 17, ang available capacity ng Luzon grid ay nasa 13,945 megawatts habang ang demand naman ay maaaring mag-peak sa 11,993 megawatts. Nangangahulugan ito ng 1,952 megawatts pa na reserba ng kuryente.

Dagdag pa ng opisyal na walang yellow alert na ipapairal sa nalalabing buwan ng taon.

Noong Hunyo kasi nagbalik operasyon na ang Ilijan power plant sa Batangas at isinama sa national grid sa partial capacity.

Ito ang pinakamalaking naturang gas facility sa buong Pilipinas na nagbibigay ng 10% na net reliable capacity ng luzon grid.

Maliban sa Luzon, iniulat din ng DOE na mayroong available capacity ang Mindanao grid na 3,368 megawatts at ang regional peak demand ay nasa 2,199 megawatts kayat may matitira pa ng 1,169 megawatts na reserba.

Sa Visayas grid naman ay may available capacity na 2,554 megawatts habang ang demand peak ay nasa 2,238 MW kung saan nasa 316 MW na lamang ang maiiwang reserba.

Base sa projection ng DOE, nakikita ang posibilidad ng yellow alerts para sa Visayas na magpe-peak sa hapon at sa gabi subalit madali pa rin aniya itong mareresolba sa pamamagitan ng paglipat ng suplay ng kuryente mula sa Luzon at Mindanao grid gamit ang existing Luzon-Visayas interconnection at nagpapatuloy na testing at commissioning ng Mindanao-Visayas connection project