-- Advertisements --

Para kay Senate Minority leader Franklin Drilon dapat pa rin kasuhan si dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Nicanor Faeldon kahit wala pang nagdadawit ng kanyang pangalan sa kontrobersyal na pagbebenta umano sa good conduct time allowance (GCTA).

Sa isang panayam sinabi ni Drilon na kailangan pa ring managot ni Faeldon dahil nalusutan siya ng mga BuCor officials sa sinasabing anomalya.

Bilang pinuno ng BuCor, hindi umano dapat hinayaan ni Faeldon na mabahiran ng katiwalian ang ahensya.

Sa kabila nito, sang-ayon si Drilon kay Sen. Panfilo Lacson na nagsabing walang ebidensya ngayon ang makapagpapatunay sa pagkakasangkot ng sinibak na opisyal sa umano’y “GCTA for sale.”

“There is no direct link to Faeldon but we can see some circumstances. Why is it the inmates in the maximum (security) are the first to be released? There were six or seven Chinese drug lords coming from the maximum that benefited from the GCTA. Even Sanchez?,” ani Lacson.

Nitong nakaraang Huwebes nang lumutang sa Senate hearing ang isang Yolando Camilon na asawa umano ng isang inmate sa New Bilibid Prison.

Ayon sa kanya, ilang opisyal ng BuCor ang nag-alok sa kanya ng bayad sa GCTA kapalit ng mabilis na paglaya ng kanyang asawa.

Inamin naman nito na hindi niya nakausap o nakita si Faeldon nang mangyari ang insidente.