Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi nila kailanman susuportahan ang panawagan ng ilang mga sektor na academic freeze ngayong school year sa gitna ng nararanasang coronavirus crisis.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan na panandaliang solusyon lamang daw ang nasabing panukala dahil hindi nito ikinokonsidera ang epekto ng pagpapahaba sa pagkaantala ng learning process ng mga bata.
Hindi rin aniya popular ang naturang panawagan sapagkat umabot na sa mahigit 24-milyong mga mag-aaral ang nag-enroll para sa nalalapit na school year.
“We believe that this call for academic freeze is a populist position that is not popular, because we already have the support of as many as 24 million learners and their parents who have enrolled and are ready to participate in distance learning,” wika ni Malaluan.
“This position is also a short-sighted position. It does not take into consideration the trade-off of prolonged interruption in the learning process of the children,” dagdag nito.
Binigyang-diin din ni Malaluan na “ill-informed” ang proposal dahil hindi lang naman online class ang gagamiting distance learning modality na ipatutupad sa pasukan.
Una na ring nagpahayag ng kanilang pagtutol sa ideya ng academic freeze ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA).
Sinabi ni Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng COCOPEA, kung ipatutupad ang academic freeze ay mahaharap sa mas malaking problema ang mga mag-aaral.