-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang pormal na rekomendasyon ang mga Pilipinong eksperto kaugnay ng planong pagbibigay ng magkakaibang brand ng COVID-19 vaccines sa populasyon ng bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na pinag-aaralan pa ng mga scientists ang panukala dahil sa ngayon wala pang ebidensya na epektibo ang pagtuturok ng magkaibang vaccine brand sa isang tao.

Kahapon nang sabihin ni Dr. Nina Gloriani, ang head ng DOST-Vaccine Expert Panel, na posibleng ikonsidera sa bansa ang paghahalo ng vaccine brands dahil may shortage pa sa pandaigdigang supply ng bakuna.

Sinabi ni Dr. Gloriani na dahil sa kasalukuyang sitwasyon, praktikal kung gagamit ng kahit magkaibang vaccine brand para sa una at ikalawang dose.

“Hindi ba kulang din ang ating mga suppliesCOVID-19? Sometimes we have to be realistic ano ‘yung next na puwede ibigay. Hindi puwedeng i-delay too long ‘yung second dose,” ayon sa eksperto.

“Baka puwedeng sa ngayon ‘yung mag-interchange ay ‘yung the same platform.”

Ilang bansa na sa Europa, Amerika, at China ang nag-aaral daw ngayon sa epekto ng pagbibigay ng magkaibang brand ng bakuna.

Sa kabila nito sinabi ni Usec. Vergeire na dahil wala pang matibay na ebidensya ang pag-aaral, inirerekomenda pa rin nilang tumanggap ang mga Pilipino ng parehong vaccine brand para sa first and second dose.

“Sa ngayon, hindi pa ‘yan ang recommendation ng ating mga eksperto. Wala pang evidence to say that kapag binigyan mo ng kakaibang bakuna doon sa first dose kung ano po ‘yung mangyayari,” ani Vergeire sa interview ng GMA.