-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang imbentaryo ng Department of Justice (DoJ) sa kaso ng pagpatay sa mga abogado sa bansa.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na layon ng naturang hakbang na mahigpit na mabantayan ang itinatakbo ng mga pagdinig at imbestigasyon sa mga pagpaslang sa mga nasa legal profession.

Ayon sa kalihim, kasama sa imbentaryo ang mga pagpaslang maging sa mga dati o retiradong hukom, mahistrado, at piskal gaya ni retired Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizzaro.

Sakop lang ng imbentaryo ang mga abogadong pinatay sa panahon ng Duterte administration.

Sa datos ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), aabot na sa 54 abogado ang napatay sa bansa mula noong July 2016.

Una nang sinabi Guevarra na ang imbentaryo ay maglalaman ng mga kaso ng lawyer killings na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI), sumasailalim sa preliminary investigation ng piskalya at nililitis sa korte.

Aniya, maaaring sa mga susunod na dalawang linggo pa nila matapos ang imbentaryo.

Samantala, nababahala naman ang Supreme Court (SC) sa pagpatay sa mga abogado dito sa bansa.

Sa media forum na inorganisa ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Justice Marvic Leonen na ang pagpatay daw sa mga indibidwal na nasa legal profession ay labis na ikinaalarma ng mga justices.

Aniya, sa mahigit 50 kaso raw ng pagpatay sa mga abogado, wala pang 10 rito ang nakarating sa korte at karamihan ay hindi pa rin nareresolba.

Umaasa naman si Leonen na maipasa na ang panukalang batas na maglilikha sa judicial marshals na layong bumuo ng marshal service para sa mga huwes at iba pang courts officials.

Una rito, ipinag-utos na ni Chief Justice Diosdado Peralta kay Court Administrator Jose Midas Marquez na makipagpulong sa iba’t ibang stakeholders at government agencies para masiguro ang seguridad ng mga abogado.

Sa panig naman ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), sinabi ng presidente nitong si Atty. Domingo Egon Cayosa na ang patuloy na pagpatay sa mga abogado ay lalong magdudulot ng pagdududa ng publiko sa justice system ng bansa.