Itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na may “relief order” na para sa kaniya at may pinangalanan na para pumalit sa kaniyang puwesto.
“We are all expendable,” sambit ni Albayalde sa gitna ng mga ugong na relieved na siya sa puwesto at itinalaga na umanong officer-in-charge ng PNP si P/Lt. Gen. Archie Gamboa.
Sa panayam ka Albayalde, tinawanan lang nito ang report at iginiit na tsismis lang ang naturang usapin.
Binigyang-diin naman nito na “prerogative” ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang gusto niya na maging susunod na PNP chief.
Sinabi ni Albayalde na sana ay hindi bahagi ng pamomolitika sa loob ng PNP ang paglutang ng pangalan ng kanyang magiging kapalit.
Kung mayroon man aniyang itinalagang magiging susunod na PNP chief, ang Malacanang ang mag-aanunsyo nito.
Si Albayalde ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa darating na November 8, pero idinaos nitong Sabado sa Philippine Military Academy ang kanyang testimonial parade na kalimitang ipinagkakaloob sa outgoing PNP chief bago ito bumaba sa puwesto.
Samantala, prayoridad ng PNP na tutukan ang isyung maltreatment o hazing sa akademya.
Ayon kay Albayalde, umaasa siya na maiwasan na ang hazing sa academy ngayong nasa pamamahala na nila ang PNPA mula sa Philippine Public Safety Colleges.
Epektibo ngayong araw, may direktang “control and supervision” na aniya ang PNP kaya magiging mas mahigpit na sa mga pribilehiyo at parusa sa mga kadeteng gumagawa ng labag sa batas.
Paalala naman ni Albayalde na ang mga kadete sa PNPA ang mga future leaders ng PNP na magpapatupad ng batas, kaya kailangang matuto silang sumunod dito.
Ang huling insidente ng hazing sa PNPA noong October 6 ng nakaraang taon ay nagresulta sa pagkakasibak ng tatlong kadete matapos na pilitin ng mga ito ang dalawang nakababatang kadete na mag-oral sex habang pinapanood nila.















