-- Advertisements --

Posibleng maianunsyo na sa Setyembre ng Region 4A o CALABARZON wages and productivity board ang hiling na umento sa sahod ng mga manggagawa.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nasimulan na ang pagdinig sa wage petition, kasunod aniya nito ang proseso ng deliberasyon at konsultasyon.

Karaniwang inaabot lamang ng isang buwan ang proseso, maliban na lang kung may supervening event na kinakailangang maisama sa konsiderasyon.

Wika ni Laguesma, hindi lamang Region 4A ang nagsasagawa ngayon ng mga pagdinig sa petisyon ng umento sa sweldo, kundi maging ang iba pang regional wage boards sa Visayas at Mindanao.

Inamin din ng opisyal na hindi niya maaaring pangunahan ang wage boards kung kailan dapat tapusin at kung magkano ang dapat na idagdag mula sa kasalukuyang wage rate ng mga manggagawa.

Giit pa nito, nais nilang mapanatili ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang pagiging independent body.