Wala pang indikasyon kung dadalo si Vice President Sara Duterte sa impeachment hearings ng House Committee on Justice na nakatakda sa Marso 25, ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon.
Sinabi ni Ridon na hanggang ngayon ay wala pang komunikasyon mula sa kampo ng Bise Presidente kaugnay ng pagdalo sa pagdinig, na magsisimula sa pormal na pagtalakay sa natitirang impeachment complaints.
Giit ng mga mambabatas tulad ni Deputy Speaker Paolo Ortega V, mahalagang humarap si VP Duterte upang sagutin ang mga alegasyon, dahil ito umano ay bahagi ng pananagutan sa ilalim ng Saligang Batas.
Ayon naman sa House panel, ang impeachment proceedings ay hindi isang full trial kundi pagsusuri ng ebidensya at testimonya upang matukoy kung may sapat na basehan para umusad ang reklamo.
Kasama sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente ang umano’y misuse of confidential funds, bribery, at iba pang posibleng paglabag sa Konstitusyon. Patuloy na inaasahan ng komite ang magiging hakbang ng kampo ni Duterte habang papalapit ang nakatakdang pagdinig. (report by Bombo Jai )
















