-- Advertisements --

Tinawag ni Vice President Sara Duterte na isang “crucifixion” at sariling “bloodbath” ang kanyang impeachment trial sa Senado, ito’y matapos ang isang press conference sa The Hague, Netherlands noong Sabado, Mayo 31.

“It’s a persecution, some sort of crucifixion. And so when there’s crucifixion, there’s blood. So it’s a bloodbath, my bloodbath,” ayon kay VP Duterte, na iginiit na hindi siya nauunawaan ng publiko.

Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa interpretasyon ng publiko sa kanyang naunang pahayag na nais niyang ituloy ang impeachment trial dahil gusto niya ng isang “bloodbath.” Ngunit tinuligsa ito ni Rep. Lorenz Defensor bilang masamang halimbawa sa kabataan.

Giit ni Duterte, ang impeachment ay isang “political persecution” sa kanya matapos siyang magbitiw sa gabinete ng kasalukuyang administrasyon.

Kasabay ng press conference ay isang rally naman sa labas ng Scheveningen Prison ang ginawa ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa kustodiya parin ng International Criminal Court (ICC). Una rito dumalo rin sa rally sina Senador Robin Padilla at Imee Marcos.

Samantala nakatakdang ihain sa Senado ang Articles of Impeachment sa Hunyo 11, bago mag-adjourn ang 19th Congress sa Hunyo 13, 2025. Nabatid na naantala ito mula Hunyo 2 upang bigyang-daan ang mga prayoridad na panukalang batas.

Bagamat naniniwala si VP Sara na maaaring hindi na matuloy ang paglilitis dahil sa kakulangan ng oras, sinabi niyang handa pa rin ang kanyang legal team na harapin ang mga akusasyon.

Samantala, tinawag ni VP Sara na “politically-motivated” ang pagkansela ng Department of Justice sa pasaporte ni Atty. Harry Roque, na ayon sa kanya ay dahil sa ginagwang pag-suporta nito kay FPRRD.

Una nang nahaharap si Roque sa kasong human trafficking kaugnay ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na Lucky South 99, at may arrest warrant mula sa Angeles City Regional Trial Court.