Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pag-bisita sa Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer sa Bogo City.
Sa isang social media post nitong Linggo, Hulyo 5, ibinahagi ng Bise Presidente na nagsindi siya ng kandila at nag-alay ng panalangin para sa kapayapaan ng Pilipinas at sa kaligtasan ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.
“Tinungo natin ang Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer sa Bogo City upang magsindi ng kandila at ipanalangin ang kapayapaan ng ating bansa at ang kaligtasan ng mga Pilipino, kabilang na ang mga nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa,” ani Duterte.
Ayon sa kanya, kabilang din sa kanyang mga ipinagdasal ang pagbabalik sa Pilipinas ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) at nahaharap sa kasong crimes against humanity.
“Kasama rin sa ating mga dasal ang pag-uwi ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ating bayan,” dagdag niya.
Ipinagdasal din ng Bise Presidente ang patuloy na pagbangon ng Bogo City mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol na tumama noong 2025.
Ayon sa kanya, kapansin-pansin pa rin ang mga bakas ng pinsala sa simbahan, kaya’t pansamantala munang isinasagawa ang misa sa isang temporaryong gusali sa loob ng compound nito.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling matatag sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa at patuloy na mahalin ang Pilipinas.
“Mga kababayan, patuloy tayong maging matatag, at mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” pahayag pa niya.
Ang Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer ay isa sa mga kilalang lugar ng pananampalataya sa hilagang Cebu at dinarayo ng mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng Visayas.
Ginawa ni VP Sara ang pagbisita isang araw bago ang nakatakdang impeachment trial sa Senado ngayong Lunes, Hulyo 6.
















