Nakiisa si Vice President Sara Duterte sa isang tree planting activity at mga pagdiriwang sa Surigao del Sur nitong Miyerkules, Hulyo 8.
Ito’y sa kabila ng kanyang impeachment trial sa Senado, kung saan nasa ikatlong araw na paglilitis na.
Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ng Bise Presidente ang pagbisita niya sa Barangay Bigaan sa bayan ng Hinatuan bilang pakikiisa sa ika-18 Araw ng Bigaan at ika-65 Patronal Fiesta ng Mother of Perpetual Help.
Ayon kay VP Sara, ikinatuwa niyang makasama ang mga residente ng lugar sa nasabing pagdiriwang at nagpasalamat siya sa mainit na pagtanggap ng mga ito.
Lumahok din ang Bise Presidente sa isinagawang tree planting activity sa loob ng Bigaan National High School kasama ang ilang kawani ng Department of Education (DepEd).
Samantala, mula nang simulan ang impeachment trial noong Lunes, Hulyo 6, hindi pa personal na dumadalo si Duterte sa mga pagdinig ng impeachment court.
Gayunpaman, nagtungo siya sa Senado noong Martes upang makipagpulong sa kaniyang mga abogado at ipakita ang suporta sa kaniyang defense team, ngunit hindi siya dumalo sa mismong paglilitis.
















