-- Advertisements --

Isiniwalat ng testigong si Ramil Madriaga sa pagdinig ng House Justice Committe sa impeachment complaint ni VP Sara Duterte na mismo ang bise ang nag-utos sa kaniya na mag-deliver ng confidential funds sa tatlong magkakaibang lokasyon, kabilang na ang Office of the Ombudsman.

Sa naging pagtatanong ni Bicol Saro Party List Representative Terry Ridon sa komite, kinumpirma ni Madriaga ang mga detalyeng nakapaloob sa kaniyang supplemental affidavit.

Sa kaniyang testimonya, inamin ng testigo na kinuha at inihatid niya ang nasabing pondo sa tatlong partikular na lugar: sa Laguna, sa isang lokasyong tinukoy bilang Nomu Bashu, at sa mismong tanggapan ng Ombudsman sa Agham Road.

Nang pormal na usisain ni Ridon kung sino ang nag-utos ng nasabing transaksyon, direktang itinuro ni Madriaga ang Pangalawang Pangulo.

Mariin ding pinabulaanan ng testigo ang naging depensa ni Duterte sa kinakaharap nitong kasong perjury.

Ibinahagi ni Ridon sa komite ang naging sinumpaang pahayag ng bise presidente, kung saan iginiit nitong hindi niya personal na kilala si Madriaga kahit professional o personal.

Bilang tugon sa pahayag na ito, iginiit ni Madriaga na nagsisinungaling ang Pangalawang Pangulo.

Ayon sa testigo, maraming opisyal ng gobyerno at mga kasamahan sa kanilang hanay ang makapagpapatunay ng kanilang ugnayan dahil sa mga dalas ng kanilang pagpupulong.

Ipinunto pa nito na halos 24-oras siyang nakasama ni Duterte noong kasagsagan ng kampanya para sa eleksyon.

Upang patunayan ang kaniyang mga sinasabi, ipinresenta ni Madriaga sa komite ang mga larawang nakalakip bilang Annex B sa kaniyang salaysay.

Sa pamamagitan ng isang video conference na ipinakita sa pagdinig, kinumpirma ni Madriaga na ang mga litrato ay kuha mula sa kanilang mga naging pagpupulong.