Makikipag-ugnayan si VP Sara Duterte sa Department of Justice kaugnay sa posisyon ng pamahalaan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng nagdaang administrasyon.
Ilalatag din ni VP Sara sa DOJ ang mga legal na batayan sa posisyon ng pamahalaan na hindi dapat makipagtulungan ang gobyerno sa ICC.
Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag ilang araw matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ng kaniyang administrasyon ang posibilidad ng pagbabalik ng PH sa ICC subalit naninindigan na walang hurisdiksyon ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa war on drugs ng dating administrasyon dahil gumagana ang sistema ng hudikatura ng bansa at kayang hawakan ang naturang mga kaso.
Ayon pa kay VP Sara, iginagalang niya ang posisyon ng Pangulo na aniya ay architect ng panlabas na polisiya ng ating bansa at ito din aniya dapat ang posisyon ng lahat.
Sa panig naman ng DOJ, una ng sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kailangang pag-aralang mabuti ang posibleng pagbabalik ng PH sa ICC.
Dapat din aniya na huwag magpadalus-dalos at seryosong pag-aralan ang ating magiging direksiyon, imahe at pagkakakilanlan at hindi dapat kumilos sa isang direksiyon dahil lamang sa mga resolusyon na inihain ng mga mambabatas.
Matatandaan kasi na noong nakalipas na linggo naghain si Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng isang resolution na naghihimok sa administrasyong Marcos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC kaugnay sa madugong war on drugs ng Duterte administration.