-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinayuhan ni Vice President-elect Sara Duterte ang kanyang kapatid na si Mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte na sa panunungkulan bilang mayor ng isang lungsod, kailangang palaging isapuso at tingnan kung ano man ang makabubuti sa nakararami.

Sinabi ni VP Inday na hindi mawawala ang mga isyu at hamon nga kailangang harapin sa syudad ngunit kung gagawin at susundin lamang ang general welfare clause o ang kapakanan ng nakararami, tiyak at “on the right track” umano ang magiging hakbang nito.

Ginawa ni VP Inday ang nasabing payo sa kanyang kapatid na si Baste sa kanyang pagdalo sa kanyang huling flag raising ceremony sa syudad ng Davao dahil iilang araw na lamang at ganap na itong magsisilbi bilang ika 15 na bise presidente ng bansang Pilipinas.

Kahapon lamang din ay pinuri at pinasalamatan ni VP Inday ang lahat ng mga empleyado at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Davao dahil sa katapatang ipinakita nito bilang public servant at nagtrabaho ng higit pa sa inaasahan mula sa kanila upang masiguro na hindi maantala ang paghatid na mga serbisyo sa lokal na pamahalaan sa mga tao.