-- Advertisements --

Nanguna si Vice President Sara Duterte sa mga opisyal na umano’y pinakamainam na humalili kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang susunod na presidente ng Pilipinas, ayon sa isang commissioned survey.

Ito ang resultang inilabas ng Social Weather Station sa kanilang isinagawang survey mula Abril 15 hanggang 18 limang taon bago ang susunod na presidential elections 2028.

Nang ikomisyon ni dating Congressman Arney Ty ang SWS para isagawa ang naturang survey ay lumalabas na nanguna ang pangalan ni Duterte sa mga pinili ng nasa mahigit 1,200 respondents na may edad na 18 taong gulang pataas mas magandang maging susunod na presidente ng Pilipinas pagkatapos ni Pangulong Marcos Jr.

Sinundan siya ni Senator Raffy Tulfo na nakakuha ng 11%, at dating Vice President Leni Robredo na mayroong 6%.

Sa kabila nito ay nakapagtala naman ang naturang survey ng 41% na mga respondents na tumangging sumagot, at nagsabing hindi alam ang kanilang magiging sagot sa naturang tanong.

Samantala, kaugnay nito ay nagpaabot naman ng pasasalamat ni VP Duterte sa naging resulta ng nasabing survey ngunit iginiit na hindi pa niya iniisip ang susunod na national elections sa taong 2028.

Aniya, mas iniisip daw niya ngayon ang mga deliverables na inaasahan mula sa Department of Education at sa Office of the Vice President sa ilalim ng administrasyong Marcos.