Muling binanatan ni ACT Teachers Rep. at House Deputy Minority leader France Castro si VP Sara Duterte dahil sa pagdepensa umano nito kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na aniya’y accused child rapist sa halip na kumbinsihin itong sagutin ang mga paratang laban sa kaniya.
Kinuwestiyon din ni Castro si VP Sara kung hindi nito batid ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy dito sa Pilipinas at sa ibang mga bansa gaya ng US kung saan mayroon itong mga kasong pangaabuso sa mga kababaihan at mga bata at sangkot din aniya sa pag-export ng mga baril at iba pang mga kaso.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng inilabas na video message ng Bise Presidente kung saan sinabi nito na ang mga akusasyon laban kay Quiboloy ay mga uri aniya ng violence at trial by publicity.
Sinabi din ni VP Sara na sa mga isinagawang pagdinig sa Senado, tila nahatulan na ng guilty si Pastor Quiboloy kahit na ang naturang mga pagdinig ay base lamang sa mga alegasyon ng mga testigo na itinago ang kanilang pagkakakilanlan at hindi aniya mapatunayan ang kanilang kredibilidad.
Una na ring inihayag ng kampo ni Quiboloy na nakahanda silang sagutin ang mga criminal accusations sa tamang hukuman subalit hindi aniya sa congressional bodies na hinusgahan na ang religious leader.
Matatandaan na inisnab ni Quiboloy ang magkahiwalay na summon na inisyu ng Senado at Kamara na nagsagawa ng mga pagdinig kaugnay sa mga akusasyon laban kay Quiboloy.
Kung saan sa Senado, inakusahan si Quiboloy ng human trafficking, labor violations at sex offenses.
Habang sa Kamara naman, piantawag si Quiboloy para tumestigo sa imbestigasyon ng franchise violations ng Sonshine Media Network International (SMNI) na sinasabing pagmamay-ari ni Quiboloy.