-- Advertisements --

Mariing kinuwestiyon ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang pag-appoint kay Gen. Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), kasunod ng umano’y mga paglabag nito sa batas kaugnay ng pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pahayag ng bise presidente na may recent findings ang Senado ng mga paglabag sa batas na ginawa ni Torre at sinabing masyadong sketchy ang desisyong gawin itong Chief of Police. Bukod kay Torre, binanatan din ni VP Duterte si House Speaker Martin Romualdez, at muling iginiit na ito ay sangkot umano sa isang kasong suhulan.

Matatandaang inaresto si dating Pangulong Duterte sa Ninoy Aquino International Airport noong Marso 11, pagdating nito mula Hong Kong, alinsunod sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) na may kaugnayan sa imbestigasyon sa kampanya laban sa ilegal na droga ng kanyang administrasyon.

Batay sa ICC warrant, inaakusahan si Duterte na, bilang pangulo, siya umano ang nagtatag, nagpondo at nag-armas sa mga death squad na sangkot sa pagpatay sa mga hinihinalang gumagamit at nagtutulak ng droga.

Idinipensa naman ni Torre ang kanyang aksyon, at sinabing may basbas ito ng Department of Justice at ng PNP mismo.

Gayunpaman, lumabas sa imbestigasyon ng Senate panel na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos na wala umanong obligasyong ligal ang Pilipinas na dakpin at isuko si Duterte sa ICC, at tinawag na labag sa karapatan ng dating pangulo ang ginawang pag-aresto.

Bago pa man ang pag-aresto kay Duterte, pinangunahan din ni Torre ang operasyon laban kay Apollo Quiboloy sa Davao City, bago siya na-promote bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nauna nang na-impeach si VP Duterte ng Kamara noong Pebrero dahil sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds at umano’y banta laban kina Romualdez, Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Unang Ginang Liza Araneta Marcos.