Binisita ni Vice President Leni Robredo ang Camp Aguinaldo upang kumustahin ang kalagayan ng Mindanao partikular ang Marawi City matapos ang deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang deklarasyon ng pangulo na batas militar ay dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng government forces at ISIS inspired na Maute terror group.
Una rito binigyan ng security briefing ng AFP si VP Robredo kaugnay sa sitwasyon sa Marawi City.
Samantala, tiniyak ni PAO chief Col. Edgard Arevalo na hindi maaabuso at hindi magkakaroon ng human rights violations sa ilalim ng Martial Law.
Hinimok nito ang taumbayan na huwag matakot bagkus ay magkumpiyansa dahil mas secured na sila ngayon matapos ang deklarasyon ng batas militar.
Tiwala rin si Arevalo na hindi aabot ng 60 araw ang sigalot sa Marawi City.
Inihalimbawa pa nito na ang nangyari sa Bohol kung saan labing isa ang pumasok na terroristang grupo pero wala na niisa sa mga ito ang nakalabas ng buhay.
Sa kabilang dako, ayon kay VP Robredo na panahon na ng pagkakaisa at magtulungan para sa kapakanan ng sambayanan lalo na sa Marawi City.