-- Advertisements --

Hindi umano naging hadlang para sa mga anak ni Vice President Leni Robredo para tumulong sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo kahit pa kaliwa’t kanan ang natatanggap nilang pag-atake sa social media.

Pagbabahagi ng bise presidente, natutuwa raw ito sa ginawang donation drive ng kaniyang bunsong anak kasama ang mga kaklase at kaibigan nito dahil nakalikom sila ng P1 million.

Napili nilang i-adopt ang mga residente ng Pasacao, Camarines Sur kung saan namahagi sila ng mga materyales na magagamit ng mga ito upang muling itayo ang kaning mga nasirang bahay.

Pinuri rin ni Robredo ang kaniyang mga anak dahil nananatiling matatag at tapat ang mga ito sa kanilang ginagawang pagtulong sa kapwa kahit pa walang humpay ang pang-aatake ng ilang social media users sa kanilang pamilya.

Magugunita na noong nakaraang linggo ay pinansin ni presidential spokesman Harry Roque ang tweet ng isa sa mga anak ni Robredo kung saan ay nakiisa umano ito sa trend na tila naghahanap sa presensya ni Pangulong Rodrigo Duterte habang kasagsagan ng kalamidad.

Nanindigan ang ikalawang pangulo na hindi siya hihingi ng paumanhin sa kung ano man ang sinabi at pinaniniwalaan ng kaniyang mga anak.

Ayon kay Robredo, hindi na raw bago sa kaniya ang personal na pagpunta sa mga komunidad na sinalanta ng bagyo at makipag-usap sa mga residente nito.

For documentation purposes lang aniya ng kaniyang mga aktibidad ang naka-post sa social media accounts nito. Para na rin daw makita ng publiko kung ano ang nangyayari sa iba’t ibang lugar at para ipaalam na rin sa mga donors kung saan nakakarating ang kanilang donasyon.