-- Advertisements --

Sinang-ayunan ni Vice Pres. Leni Robredo ang ginawang extension ng administrasyon sa ipinatupad na enhanced community quarantine dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

“So we were kind of expecting it already, and mabuti that the President (Rodrigo Duterte) made the difficult decision,” ani Robredo sa isang interview.

Sang-ayon ang pangalawang pangulo sa pahayag ng ilang opisyal na ang malawakang quarantine ay instrumento para sa ilan pang kailangan na paghahanda sa mga pasyente at pagkalat ng sakit.

“Dapat iyong panahon ng extension should give us more time to prepare for another surge.”

“Pero hindi dapat sayangin iyong panahon na ito, na siyempre sa preparations, kasi nakita natin from the experiences of other countries na talagang preparation is key. Iyong speedy decision-making is key.”

Umaasa si VP Leni na sa pagtatapos ng bagong extension sa May 15 ay napalawig na rin ang healthcare system ng bansa.

“We’re right in the sense na iyong health care system natin pine-prepare. We’re better prepared now than we were about a month ago.”

“Iyong dapat kasing binibilang natin, kasya ba iyong mga hospital beds? Kasya ba iyong hospital equipment? Iyong atin bang mga health workers, mayroon ba silang mga PPEs to prevent contamination sa kanila? Iyong communities ba natin handa? Kapag sinabi nating handa, handa sila dito sa masamang epekto sa kanila ng ECQ.”

Batay sa anunsyo ng Malacanang, ipapatupad ang ECQ sa mga itinuturing na high risk areas, habang general community quarantine sa ibang lugar.