Naniniwala si Vice President Leni Robredo na mahalagang pagtuunan din ng pansin ng pamahalaan ang “information campaign” sa mga bakuna ng COVID-19 bago pa dumating ang supply sa Pilipinas.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos lumabas sa isang Social Weather Station (SWS) survey na 66% ng mga Pilipino ang handang magpaturok ng COVID-19 vaccine.
“Kung ang dahilan, ma-encourage iyong confidence sa kaligtasan ng bakuna, tama iyon. Pero hindi siya tama kung ang dahilan, gusto lang na siya ang maunang maprotektahan. Kasi ang dapat, Ka Ely, ang una talagang maprotektahan iyong pinaka-exposed—at sang-ayon ako na health workers iyon,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Nangangamba ang bise presidente na baka matulad sa kapalaran ng dengue vaccine na Dengvaxia ang COVID-19 vaccines kung hindi matutugunan ang iniwang takot sa publiko ng kontrobersya.
Kaya naman umapela rin si Robredo sa ilang opisyal na maging responsable sa pagbibigay pahayag tungkol sa mga bakuna.
“Napakahirap noon kasi taon iyong ginugol para makahanap din ng lunas doon sa sakit na iyon, makahanap ng vaccine—tapos dahil sa irresponsible na pag-iingay. Hindi naman masama na mag-ingay, pero iyong pag-iingay, irresponsible na parang… ano iyon… parang iniimpluwensiyahan mo iyong pag-isip ng tao na iyong desisyon na magiging… ano ito… magiging mali. Iyon iyong masama. Iyon iyong nangyari dito. At sana dito sa COVID hindi ganiyan.”
“So sana, Ka Ely, mas galingan pa natin iyong parang information campaign. Gawin talaga siyang adbokasiya. Dapat ito binabahay-bahay eh. Dapat binabahay-bahay iyong tao, kasi tumaas naman iyong response natin sa vaccinations noong talagang binabahay-bahay. Parang iyong ginawa sa TB, ‘di ba? Talagang umiikot talaga iyong mga BHW.”
VACCINE PRIORITY
Bukod sa paghahatid ng tamang impormasyon tungkol sa mga bakuna, muli ring umapela si Robredo sa pamahalaan para linawin ang mga magiging prayoridad ng COVID-19 vaccination.
Inulit ni VP Leni ang panawagan na maglabas ng listahan ng pangalan ng mga unang makakatanggap ng dadating na mga bakuna.
“Para sa akin, Ka Ely, dapat sana may mga pangalan na, para pagdating, hindi na makaabala iyong, ‘di ba… hindi na makaabala iyong admin na pag-asikaso.”
“Dapat sana pangalan na. Sana sino iyong considered na healthcare workers? Kasi iyong mga nagtatrabaho, Ka Ely, halimbawa sa mga ospital, halimbawa iyong mga BHW sa mga barangay. Dapat i-define nila. Dapat considered din na healthcare workers, kasi sila iyong parang unang responders kapag mayroong report sa barangay. So para sa akin, Ka Ely, dapat sana iyon, habang naghihintay tayo ng vaccine, ma-settle na iyon, ma-settle na iyon kasi— Ano iyon, Ka Ely?”
Umaasa si Robredo na hindi rin mauuwi sa sitwasyon ng mga gamot na na-tengga sa storage ng DOH ang mga bakuna ng COVID-19.
Magugunitang sinita ng Commission on Audit ang Health department dahil sa nadiskubreng higit sa milyong halaga ng mga gamot na malapit ng mag-expire nang hindi napapamigay ang nasa kanilang storage facility.
“So iyon sana iyong mga bagay na puwedeng inaayos na ngayon. Iyon iyong mga bagay na habang wala pang bakuna, inaayos na natin, para pagdating, hindi na ito maging problema. Kasi kung hindi maayos iyong storage, doon talaga delikado iyong mga nag-eexpire.”
Kamakailan nang sabihin ng Malacanang na apat na brand ng bakuna ang gagamitin sa Pilipinas. Kabilang na ang mga gawa ng Sinovac, Gamaleya Institute, Pfizer, at AstraZeneca.