Inihirit ngayon sa Department of Justice (DoJ) ng kampo ni Vice President Leni Robredo na mabigyan sila ng kopya ng mga dokumento at ebidensiya kaugnay sa sedition charges na isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ay base sa motion for production of evidence, na inihain ng kampo ni Robredo sa DoJ ngayong araw.
Na-ugat ang reklamo sa pagdawit sa kanya sa “Ang Totoong Narcolist” videos ni Alyas Bikoy o Peter Joemel Advincula na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.
Hindi dumating si Robredo, pero ang kanyang abogado na si Atty. Marlon Manuel ang naghain ng mosyon, kasama si Atty. Barry Gutierrez.
Nauna nang sinabi ng PNP-CIDG na sangkot si Robredo, ilang mga taga-oposisyon at mga opisyal ng simbahan sa planong pagpapabagsak umano kay Pangulong Duterte.
Bukas ay inaasahang magsisimula ang preliminary investigation sa lupon ng DoJ sa reklamong sedition laban kay Robredo.
Pero hindi dadalo si Robredo at sa halip ay mga representatives lamang niya ang darating.