-- Advertisements --

MANILA – Handa naman daw magpaturok ng COVID-19 vaccine sa harap ng mga Pilipino si Vice President Leni Robredo.

Ito ang sagot ng tagapagsalita ng pangalawang pangulo, matapos hamunin ng dating special assistant ni Pangulong Rodrigo Duterte at ngayo’y Sen. Bong Go, na magpabakuna si Robredo para bumalik ang tiwala ng publiko sa vaccines.

“As early as the first week of December, VP Leni already declared her willingness to receive the vaccine in public to encourage all Filipinos to get vaccinated,” ani Atty. Barry Gutierrez.

Sa isang ambush interview, sinabi ng mambabatas na pwedeng sabayan ni Robredo ng pagbabakuna si Duterte.

“Pagkatapos ni Pangulong Duterte or sabay, ikaw naman VP Leni Robredo ang magpaturok din, ipakita mo rin, sabay-sabay tayo.”

“Ako po ay hinahamon ko kayo para makuha natin ang kumpiyansa ng bawat Pilipino, ipakita natin na sabay-sabay tayong magpa-turok.”

Ayon kay Atty. Gutierrez, dapat maglatag ng dalawang prayoridad ang pamahalaan tungkol sa usapin ng bakuna.

Una, tiyaking ligtas, epektibo, at sulit ang mga bakunang ibibigay sa mga Pilipino.

Pangalawa, ang pagsisiguro na makakarating sa bawat isa ang mga bakuna.

“In her view, government should have two priorities on this issue: ensuring the availability of a safe, effective, and affordable vaccine, and ensuring that as many Filipinos as possible receive it. She is more than ready to do her part in attaining these goals.”

Lumabas sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na 50% lang ng mga Pilipino ang interesado umanong magpaturok ng COVID-19 vaccine.