-- Advertisements --
OVP 5607
IMAGE | Vice President Leni Robredo (center) together with her legal team. On February 16, 2021, the Supreme Court, sitting as the Presidential Electoral Tribunal dismissed the electoral protest of former Sen. Bongbong Marcos/Jay Ganzon, OVP

MANILA – Balik trabaho si Vice President Leni Robredo sa kabila ng tagumpay laban sa electoral protest ng natalong si former Sen. Bongbong Marcos.

Ito ang nilinaw ng pangalawang pangulo sa gitna ng mga panawagang tumakbo siya sa halalan 2022.

“Gusto ko na munang namnamin iyong araw na ito. Almost five years din naming hinintay,” ani Robredo sa isang press briefing.

Nitong Martes nang ibasura ng Supreme Court, na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET), ang halos limang taon na kaso ni Marcos laban kay Robredo.

Ayon kasi sa PET, bigo si Marcos na patunayan ang kanyang mga paratang na dayaan laban sa nanalong bise presidente.

Para kay VP Leni, kahit napatunayan nang siya ang tunay na pangalawang pangulo ng bansa, walang magbabago sa kanyang mga prayoridad ngayon.

“Pakiramdam ko parang kasalanan na politika na iyong isipin ko, na iyong aking political plans ay iyon iyong uunahin, at hindi iyong pagsigurado na iyong mga lubos na naghihirap ngayon (ay) aming maasikaso.”

“Siguro kapag nakabuwelo na tayo sa vaccine, kapag mas settled na lahat, mas may panahon na tayo para tutukan iyong plano. Pero ngayon, mas maayos yata na iyong pang-araw-araw na muna.”

Aminado si Robredo na kahit mga mahistrado na ng Korte Suprema ang nagbaba ng hatol, tiyak na uulanin pa rin siya ng batikos.

Pero ang hiling pa rin niya sa mga kritiko at taga-suporta, mag-move on na at isantabi ang issue dahil mas mahalagang matugunan ngayon ang epekto ng pandemya.

“Now that this issue has been definitely settled, ang hinihingi ko lang sa lahat… is to put this rancor behind us and let us move forward together.”

“Hinihikayat ko ang lahat na let us join hands, let us unify, let us focus on the work in front of us.”

Lamang ng higit 260,000 votes si Robredo kay Marcos sa 2016 elections.

Nadagdagan pa ito ng 15,000 lead matapos ang ginawang recount sa tatlong pilot provinces na Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.