-- Advertisements --

Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila De Lima, ang panibagong insidente ng pangha-harass ng China Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS) na nagresulta sa pagkasugat ng tatlong Pilipinong mangingisda matapos i-water cannon ang kanilang mga bangka.

Ayon kay De Lima, ang insidente ay naganap sa Escoda Shoal na malinaw na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Bukod sa pagkasira ng mga bangka at pagkawala ng kabuhayan ng mga mangingisda, inilagay rin umano sa matinding panganib ang kanilang buhay dahil sa mapanganib na aksyon ng China Coast Guard, kabilang ang agresibong pagmamaniobra laban sa mga sasakyang-dagat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Binigyang-diin ng mambabatas na ito ang kauna-unahang pagkakataon na direktang ginamit ng China ang water cannon laban sa mga sibilyang Pilipinong mangingisda, na aniya’y malinaw na paglala ng agresyon.

Nababahala si De Lima lalo at hindi lamang mga PCG vessels ang tinatarget ng China Coast Guard kundi maging ang mga inosenteng mamamayan.

Nanawagan si De Lima ng agarang aksyon mula sa pamahalaan upang ipagtanggol ang karapatan at kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino at pigilan ang patuloy na pang-aabuso sa loob ng sariling teritoryo ng bansa.

Hinimok din niya ang Philippine Navy na mas aktibong ipagtanggol ang mga sibilyan sa loob ng EEZ at paalisin ang mga dayuhang nanghihimasok.

Pinuri naman ni De Lima ang Philippine Coast Guard at ang mga kapwa mangingisdang Pilipino sa kanilang katapangan at malasakit sa mabilis na pagsagip at pagbibigay ng tulong medikal sa mga nasugatan, sa kabila ng nakaambang panganib.