Binatikos ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang naging presentasyon sa House Committee on Justice kaugnay ng umano’y kasong inciting to sedition at grave threats, na anila’y nagpapakita ng kakulangan ng ebidensya laban sa bise presidente.
Sa pahayag ni Atty. Paul Lawrence Lim, iginiit na umano’y “curated” at maging “spliced” ang ilang ebidensya, habang hindi raw isinasaalang-alang ang tamang konteksto at napapalitan ng opinyon ang mga faktwal na datos.
Ayon pa sa depensa, hindi sapat ang mga ito upang maging batayan ng probable cause, lalo na ng isang prima facie case na may “reasonable certainty of conviction,” at hindi anila napapatunayan ang alegasyon sa simpleng pag-uulit ng konklusyon.
Kinuwestiyon din ng kampo ang umano’y pagtatangkang iugnay ang bise presidente sa mga pahayag laban sa Pangulo, na anila’y walang matibay na ebidensyang sumusuporta at nagiging haka-haka lamang.
Dagdag pa ni Lim, mistulang “fishing expedition” ang mga pagdinig upang magmukhang may basehan ang impeachment complaints, at iginiit na ang mga isyu ay dapat resolbahin sa tamang forum kung saan masusuri ang ebidensya alinsunod sa rule of law. (Report by Bombo Jai)
















