-- Advertisements --

Ipinauubaya na lamang ng PDP-Laban Pimentel faction kay Sen. Manny Pacquiao ang pagkumpleto sa kanilang senatorial slate at pagpili sa makaka-tandem nito sa halalan sa susunod na taon.

Ito ay matapos na aprubahan ng PDP-Laban Pimentel faction ang isang resolusyon sa kanilang national assembly kaninang hapon, makalipas na tanggapin naman ni Pacquiao ang kanilang nominasyon para tumakbo ito sa pagka-pangulo sa 2022 polls.

Sa ngayon, tanging si dating Eastern Samar Lutgardo Barbo pa lang ang napili ng PDP-Laban Pimentel faction para sa kanilang senatorial slate.

Hindi rin inanunsyo sa pulong kung sino ang kanilang vice-presidential candidate, at ang pagpili sa kung sino ito ay nakasalalay na kay Pacquiao.

Kamakailan lang, ang paksyon naman ni Energy Sec. Alfonso Cusi ay inanunsyo na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Bong Go ang kanilang manok sa pagka-bise presidente at pangka-pangulo.

Tinanggap na ni Duterte ang endorsement sa kanya, pero tumanggi naman si Go.

Inanunsyo na rin nina Cusi ang kanilang initial senatorial lineup.

Sa harap nang hindi pagkakaintindihan ng dalawang paksyon, ang Comelec ang siyang bahala sa hulit sa pagkilala sa kung sino sa kanila ang lehitimo.