CAUAYAN CITY – Magsisimula muli ngayong araw ang voter’s registration para sa Barangay at SK Election na isinasagawa ng COMELEC Region 2.
Matatandaang sinuspinde ang registration sa nakaraang holiday season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2, sinabi niya na sa nakalipas na registration ay naging maganda ang turnout pangunahin na sa mga unang araw ng pagpaparehistro.
Kalaunan ay paunti-unti na lamang ang bilang ng mga nagpaparehistro hanggang sa pansamantala itong sinuspinde ng an banc para sa holiday season.
Umaasa ang COMELEC Region 2 na dadagsain muli ang registration upang maabot ang kanilang target na bilang bago ang deadline.
Ayon kay Atty. Cortez, mahilig ang mga Pinoy sa last minute kaya inaasahan na nilang dagdasain ang mga huling araw.
Hinikayat naman niya ang mga hindi pa nakakapagparehistro na magtungo na sa kanilang tanggapan upang makaboto sa halalan ngayong taon.