
Pinaplantsa na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagtatakda ng schedule para sa voter registration ng mga person deprived of liberty (PDLs).
Ayon kay BJMP spokesperson Colonel Xavier Solda, nakipag-coordinate na ang bureau sa Commission on Elections (Comelec) para sa schedules ng pagpaparehistro ng mga inmate.
Aniya, ang mga local Comelec officials ang magtutungo sa BJMP facilities kung saan ilalagay ang special satellite registration sites.
Nagbigay na rin ang National headquarters sa mga jail unit ng mga panuntunan at regulasyon para sa pagsasagawa ng voter registration ng PDLs.
Samantala, ibinahagi din ng opisyal na nasa 497 PDls ang pinalaya mula sa BJMP facilities kamakailan.
Upang mapabilis pa ang pagpapalaya sa ibang mga bilanggo na naisilbi na ang kanilang sentensiya sa pagkakasala sa batas, kanila itong ipinapaalam sa korte at sa tulong na rin ng Office of the Court Administrator, European Union’s Governance in Justice (GOJUST) program, at sa Department of the Interior and Local Government.
Ito ay kaakibat na rin ng target ng BJMP na ma-decongest o matugunan ang siksikan ng mga inmate sa mga piitan sa bansa.










