Kinumpirma ng Senado at House of Representatives na magpapatuloy ang kanilang pagbibilang ng boto para sa presidential at vice presidential race mula sa katatapos lamang na eleksyon.
Ito ay sa gitna pa rin ng mga petisyon inihahain ng ilang grupo sa Korte Suprema na layuning pigilan sila sa kanilang isinasagawang canvassing ng mga boto nang dahil umano sa hindi pagiging karapat-dapat ng isang kandidato na manalo at umupo sa pwesto.
Sa magkahiwalay na pahayag ay muling iginiit nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at House Speaker Lord Allan Velasco ang kani-kaniyang tungkulin ng kanilang mga kapulungan na makipagpulong at makipagkaisa sa National Board of Canvassers (NBOC) sa pagbibilang ng mga boto at pagpo-proklama ng mga mananalong kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
Samantala, ngayong araw ay magpapatuloy ang sesyon ng Senado at HOR upang bumuo ng isang contingent Joint Committee na inatasan namang aktwal na magbilang ng mga boto simula bukas, Mayo 24, habang sa Mayo 27 naman ang napagkasunduan ng dalawang kapulungan na isagawa ang proklamasyon ng mga mananalong kakandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.
Kung maaalala, kamakailan lang ay isang petisyon nanaman ang muling inihain ng isang anti-Marcos group sa Korte Suprema na humihiling sa kanselahin ang kandidatura at gayundin ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) upang pigilan naman ang pagpapatuloy ng bilangan ng mga boto kay presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.