-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Higit P246,000 na ang nakolekta ng isang grupo ng mga volunteers dito sa Baguio City sa proyekto ng mga itong “P50 (PHP50) Mo, PPE Ko!”

Ayon kay Khristine Molitas, co-coordinator ng fund-raising program na ito, ang nakolekta nilang halaga ay ipinambili ng mga personal protective equipment (PPEs) ng mga frontliners sa kampanya laban sa COVID-19 sa Baguio at Benguet.

Marso 26 aniya nang inilunsad ang inisyatibong ito matapos na na i-post sa Facebook ang live video ng pagkanta ng local blues singer na si Caesar Salcedo.

Dito hinikayat aniya ni Salceda ang mga nanood sa kanyang Facebook live na mag-donate ng P50 para may maipon na halaga na pambili ng PPEs ng mga frontliners.

Target ng proyekto na makalikom ng P150,000 ngunit dahil aniya sa malaking suporta ng publiko ay nahigitan ang nasabing halaga at nakaipon na sila ng higit P246,000 hanggang kahapon.

Tinatanggap ng grupo ang donation ng mga viewers sa pamamagitan ng isang virtual wallet at bank account ng mga coordinators.

Ipinagmalaki ni Molitas na sa pamamagitan ng proyekto ay nakapamahagi na sila ng 3,000 surgical masks; 450 biomasks; 58 karton ng exam gloves; 40 litro ng isopropyl alcohol; 4 gallons ng isopropyl alcohol; 700 washable cloth masks; 39 goggles at 50 face shields sa mga ospital at mga himpilan ng pulisya sa Baguio City at Benguet.

Gayunman, sinabi niyang ipagpapatuloy nila ang nasabing proyekto para matulongan pa rin ang mga ospital at checkpoints sa Baguio at Benguet hanggang sa pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine.

Plano din aniya ng grupo na tulungan ang mga pulis sa Mountain Province na nagsasagawa ng 17 checkpoints na may 500 checkpoint personnel.