-- Advertisements --

Nakatakdang parangalan ng Senado ang namayapang dating senador na si Tessie Aquino-Oreta.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ito’y sa pamamagitan ng isang resolusyon na ilalabas sa darating na Lunes.

Ngunit dahil nasa gitna pa ng Coronavirus Disease 2019 crisis, isang virtual necrological services muna para kay Aquino-Oreta ang isasagawa upang kahit paano ay masunod pa rin ang tradisyunal na seremonya tuwing may namamaalam na mambabatas.

Gaganapin ang pagbigay tribute sa Senate session hall sa Pasay City.

Una nang nagpahayag ng pagkalungkot sa pagpanaw ni Oreta si Senate President Vicente Sotto III.

Ayon kay Sotto, malapit sa kanya si Oreta kaya kahit ang celebrity wife na si Helen Gamboa ay walang tigil sa pag-iyak nang malaman ang balita.

Kung maaalala, mismong anak na si Malabon Mayor Lenlen Oreta ang nagkumpirma na sumakabilang-buhay ang kanyang ina pasado alas-10:00 kagabi sa edad na 75 ngunit hindi binanggit ang dahilan.

Bago pinamunuan noong 1998 sa ilalim ng 11th Congress ang Senate Committee on Education, Arts and Culture, nagserbisyo muna siya sa loob ng tatlong magkakasunod na termino sa House of Representatives (1987-1998) bilang kinatawan ng Malabon-Navotas district.

Pinakauna siyang babae na humawak sa posisyon bilang assistant majority floor leader, at sentro ng advocacy nito ang edukasyon, at kapakanan ng mga guro.

Siya ay nakababatang kapatid ni dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr., at ngayo’y naulila ang asawang si Antolin Oreta Jr. at apat na anak.

Ilan sa mga panukala nito na ganap na naisabatas ay ang Early Childhood Care and Development Act at ang Solo Parent Act, Solid Waste Management Act, Philippine High School System Act, at Clean Air Act.