-- Advertisements --

Nilinaw ni Sen. Cynthia Villar na ang mga government leaders ang siyang dapat na magtrabaho ng husto para masolusyunan ang epekto ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) pandemic sa ekonomiya ng bansa gayundin sa health sector.

Ginawa ito ni Villar matapos na batikusin siya sa social media kasunod ng kanyang pagmamaliit sa panawagan ng medical community na ibalik sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Metro Manila dahil pagod na rin ang mga health workers sa patuloy na sumisirit na bilang ng COVID-19 cases na isinusugod sa mga ospital.

Sa kanyang naunang statement, sinabi ni Villar na dapat matuto na lang mamuhay ang mga Pilipino na mayroong COVID-19 dahil hindi na kakayanin pa ng bansa na isara ulit ang ekonomiya.

Nang matanong kung kailangan ibalik sa ilalim ng ECQ ang buong Metro Manila, sinabi ni Villar na hindi na dapat at sa halip ay kailangan aniyang pagbutihin na lamang ng mga health workers ang kanilang pagtatrabaho.

Pero ngayon, iginiit ni Villar na ang pinatutungkulan niya sa kanyang naging pahayag ay hindi ang mga health workers kundi silang mga nasa gobyerno katulad na lamang ng sa mga bumubuo sa Department of Health at Philippine Insurance Corp.

“There is so much room for improvement in the government’s response to curb the transmission of the disease,” dagdag pa nito.

Gayunman, hinimok ng senadora ang publiko na istriktong sundin ang mga health protocols na ipinapatupad ng mga health experts para maiwasan ang mas paglaganap ng COVID-19.

“We all want to be safe and COVID-free.  All of us are doing a difficult balancing act to keep people safe and alive. We all need to keep our jobs, the economy, to do our respective roles to sustain this. All of us have to work harder and better,” dagdag pa nito.