-- Advertisements --

Nakikita ng OCTA Research group na posibleng mailagay sa very low risk category sa COVID-19 ang National Capital Region pagsapit ng Marso.

Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, lumalabas sa kanilang projections na maaring bumaba ng hanggang 200 na lamang ang bagong COVID-19 cases na maitatala sa katapusan ng Pebrero mula sa kasalukuyang 600 new infections kada araw.

Ang magic number aniya na kailangan maabot para sa very low risk classification ay 140 new cases kada araw, na maaring maabot pagsapit na ng Marso.

Magugunita na noong Disyembre 2021 ay naabot ng NCR ang very low risk classification bago pa man nahatak ulit ang bilang ng mas nakakahawang Omicron variant.

Samantala, ang COVID-19 reproduction rate naman sa NCR ay bumaba na sa 0.23.

Ang average daily attack rate naman sa NCR ay 6.55 sa kada 100,000 population habang ang positivity rate ay 8.8 percent.