-- Advertisements --

Umapela si Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa kapwa health care workers, partikular na sa hanay ng doctor to the barrios (DTTBs), na huwag kalimutan ang kanilang sinumpaang pangako bilang medical frontliners, lalo na sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.

Pahayag ito ng opisyal sa gitna ng pangamba ng ilang DTTB na target muling ipadala ng Department of Health (DOH) sa mga lugar na may mataas na kaso ng sakit.

“Opinyon ko (lang), pumasok tayo sa gobyerno, sa trabahong ‘to. Nag-aral tayo ng pagka-doktor, sumumpa tayo na kapag may mangangailangan sa ating may sakit tutulong tayo. Sa tingin ko, kailangan lang isa-isip at isa-puso ng bawat health care worker ‘yang mga sinumpaan naming tungkulin,” ani Vergeire sa isang press briefing.

Nangangamba ang DTTBs na kapag sinuong nila ang critical areas, gaya ng mga isinailalim sa modified enhanced community quarantine, ay wala nang magbibigay ng tulong medikal sa kanilang mga inaalalayang lugar.

Ikinatatakot din daw ng naturang hanay ng mga doktor ang impeksyon sa sakit.

“Ito ay tumatawag ang bayan para tumulong tayo. With this, we have to heed that call because we are health care workers, doctors, government officials, and this is part of what we do for service.”

Tiniyak ni Usec. Vergeire na hindi papabayaan ng DOH at pamahalaan ang DTTBs sa naturang hakbang. Patuloy naman daw ang ugnayan nila sa naturang hanay, kasama ang local government units para sa deployment at iba pang stratehiya.

“This is a continuous dialogue them and we will be inclusive when we do this. Pakikinggan namin sila kung ano yung kanilang punto at magsasabi rin tayo ng punto sa national government… for us to be able to have this unified stand and action para ma-address itong sitwasyon.”

Isa sa target ipatupad ng DOH sa loob ng 15-araw na MECQ sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan, ang pagbuo ng “substitute team” na aalalay sa kasalukuyang health care workers ng mga lugar.

Nililigawan ngayon ng ahensya ang health care workers mula sa mga probinsya na dumayo at maglingkod muna sa naturang mga lugar na mataas ang kaso ng sakit.

Kung maaalala, inimbitahan din ng DOH ang DTTBs noong Hunyo para umalalay sa health system ng Cebu City na muntik nang maging epicenter ng COVID-19 sa bansa.