Imbis na magkakahiwalay na guidelines, pagsasamahain na raw ng pamahalaan sa isang dokumento ang mga panuntunan para sa iba’t-ibang stratehiya ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang press briefing, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hinihintay na lang ng ahensya na matapos ang pilot testing ng antigen test bago ilabas ang Omnibuds Guidelines.
Hindi lang panuntunan sa testing ang lalamanin nito, dahil nakapaloob na rin daw dito ang guidelines para sa isolation at quarantine management ng COVID-19 cases.
“Kahapon nag-present kami sa IATF regarding the protocol natin for this pilot use of the antigen, so ito ay naaprubahan at uumpisahan na kapag natapos natin makuha ang mga ebidensya sa pilot use na ito atin nang pwedeng ilabas yung Omnibus Guidelines.”
“It is not just for testing, we have integrated all the strategies… this is going to be a whole document where all of these updated strategies will be included.”
Nauna nang sinabi ng Health department na sa Baguio City target gawi ang pilot test ng antigen test.
Ang antigen test ay isang uri ng rapid test kung saan kinukuhanan ng samples ang indibidwal sa pamamagitan ng nasopharyngeal swab, na katulad ng sa RT-PCR test.
Wala pa raw sapat na ebidensya na epektibo itong maka-detect ng virus dahil lumabas sa ilang pag-aaral na hindi umaabot ng 80% ang sensitivity nito sa virus, kaya naman isasailalim ito sa pilot test para makita ang resulta.
“BREAKTHROUGH” COVID-19 TEST KIT?
Samantala, nilinaw ni Usec. Vergeire na hindi gagamitin sa diagnostic o detection ng COVID-19 ang sinasabing “breakthrough” test kit na cPass SARS-CoV-2 Neutralization Antibody Detection Kit (cPass™ sVNT Kit).
“It is going to be use for research in the United States.”
Paliwanag ng opisyal, naka-disenyo ang naturang test kit para ma-detect ang “neutralizing antibodies” sa katawan ng isang tao. Inaasahan daw ang benepisyo nito kapag may nadiskubre ng bakuna laban sa COVID-19.
“Maaari rin itong gamitin sa mga seroprevalance studies para makita among the population kung sino na talaga ang may antibodies for this and can guide the immunization strategy of a certain area.”
Sa isang lumabas na artikulo, sinasabing nakipag-partner ang IP Biotech ng Pilipinas sa GenScript Biotech Corporation para sa distribusyon ng naturang kits sa bansa.