Dinepensahan ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang pahayag ni Sec. Francisco Duque kamakailan na tinuring na “blessing in disguise” ang COVID-19 para sa pagpapalakas ng Universal Health Care law.
“Ang reforms, UHC is a major reform in the country, naguumpisa ‘yan base on different triggers and circumstances. Itong COVID-19 ngayon ang parang naging trigger para mas ma-facilitate ang pagpapatupad (ng batas).”
Nitong Biyernes nang sabihin ni Duque sa isang webinar na tila magandang balita pa ang pandemic dahil sa epekto nito sa universal health care ng bansa.
Nagbunsod ito ng bayolenteng reaksyon mula sa ilang netizens na kinuwestyon ang pamumuno ni Duque bilang Health chief.
“This can also be some kind of blessing in disguise, serendipitous. Kasi parang na-accelerate iyong universal healthcare because of COVID-19. It is a catalyst,” ani Duque.
Pero paliwanag ni Usec. Vergeire, na tagapagsalita ng DOH, ang pinupunto ng kalihim sa kanyang naging pahayag ay ang mas maagap ng proseso ng mga kailangan ipatupad sa ilalim ng batas.
“Ibig sabihin kung dati ang UHC, may timelines kasi kami na every six months, eight month, tenth month, pero ngayon lahat ine-expedite namin because we there is a pandemic situation.”
“Kung ikaw ay public health practitioner maiintindihan mo yung sinabi ni secretary of health because we know that major reforms ang nagpu-push sa bawat bansa in a health system is a trigger, and our trigger now is the pandemic.”
Ayon sa DOH spokesperson, marami na ring nagbago at umunlad sa health care system ng bansa mula nang pumutok ang COVID-19.
Kabilang dito benefit packages na naka-ayon din sa non-essential health services, at pagiging miyembro ng bawat Pilipino sa PhilHealth.
“Ito yung ibig sabihin ng ating secretary of health, he did not mean anything that he will offend anybody. Ang sa kaniya lang ‘yun talaga ang proseso ng reporma.”