-- Advertisements --

Kinumpirma ni Venezuelan National Assembly Chief Jorge Rodriguez na kumitil na ng kabuuang 6,125 katao ang kambal na lindol na tumama sa bansa noong Hunyo 24.

Ang pinakabagong datos ay inilabas mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang tumama ang magnitude 7.2 at 7.5, na nagdulot ng pagguho ng halos 200 gusali, karamihan ay naitala sa pinakamatinding tinamaang coastal state ng La Guaira.

Ang huling death toll na naitala ay nasa 5,546 indibidwal.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga rescue team at miyembro ng pamilya sa mga biktima at mahal sa buhay na natabunan ng mga guho habang halos 17,000 katao ang nasugatan sa malalakas na pagyanig.

Base sa ulat ng local media, sinabi ni La Guaira Governor Jose Alejandro Teran na nananatiling nawawala ang 1,400 katao matapos tumama ang sakuna.

Maliban naman sa 190 gusali na ganap na nawasak, klinasipika ng mga otoridad ang mahigit 6,400 istruktura bilang “high-risk” habang ang mahigit 9,800 na iba pa ay itinuring bilang “restricted housing” upang ibabala ang panganib ng mga ito para sa mga residente sa lugar.

Sa kasalukuyan, halos 24,000 katao sa La Guaira at Caracas ang pansamantalang naninirahan sa makeshift shelters kasunod ng mga pagyanig.

Nitong Biyernes, inaprubahan ng mga mambabatas ng Venezuela ang isang batas upang gawing mas madali ang pagrerenta ng mga property. Layunin nito na matulungan ang mga biktima ng lindol.

Kailangan namang lagdaan ito ni Interim Leader Delcy Rodriguez para tuluyang maging batas.